Mabuhay ang mga Manggagawa!

Araw ngayon ng mga manggagawa. Kitang-kita sa programang nakahanda ngayong Mayo Uno ang pagkawatak-watak ng ating lipunan. Ang mapapalad ay makakasalo ng Pangulo at kanyang Gabinete sa tanghali. Ang mga nabansagan radikal at rebelde ay malamang sa lansangan maga-almusal, tanghalian, at hapunan.

Kung tayo ay magbabalik-tanaw sa mga nakaraang Labor Day, tanggap na ng sektor na may mga grupong malapit sa Palasyo at mayroon din namang “outside the kulambo”. Ang nababago lamang ay ang mahigpit na pagbabantay na ginagawa hindi lamang ng kapulisan kundi pati na ng Gabinete sa sentro ng kapangyarihan – sa Palasyo tabi ng Pasig River. Kung may ganoong pagmamasid, sana ay tahimik na lang nilang gawin, dahil malaking insulto ang bantaan mo ang isang tao bago pa ito magdiwang ng araw na nakalaan sa kanya sa mata ng buong mundo.

At dito dapat maging mahinahon ang mga may matataas na katungkulan sa ating pamahalaan. Ang kapatiran ng mga manggagawa sa buong daigdig ay isang malawak at nagkakaisang bukluran. Kung may mga grupo sa labas na Pilipinas na nagigimbal sa dami ng mga pinapatay na mamamahayag, isipan sana na iba ang turing ng mundo kung mismong mga manggagawa ang pinagkakaitan ng pagkakataong magmartsa o dili kaya’t sasaktan sa Araw ng mga Manggagawa. Ang litrato ng isang kinatawan ng unyon na pinapalo ng pulis ng truncheon ngayong Mayo Uno ay senyales para sa workers’ solidarity movements sa bawat sulok ng mundo na magtaas ng iisang bandila, at iwagayway ito sa harap ng ating pamahalaan.

Kaunting hinahon, dagdag na pag-unawa  at isang bukas na puso at kaisipan ang magkakaloob sa bayan ng isang pangkaraniwan na Labor Day. Higit na makabuluhan dahil sa mapayapang pagpapahayag ng hinaing; higit na kaaya-aya para sa pamahalaan at sa ating mga pulis.

At tama lamang na magsalita ang sektor ng mga manggagawa sa araw na ito. Tama lamang na mapakinggan natin kung ano ba ang nasa loobin nila. Dahil iilan na lang sila na organisado. Dahil iilan na lamang sila na handang magtanggol ng karapatan ng mga maliliit na empleyado lalo na yung may mga panandaliang kontrata lamang. Ang puwersa nila ay maingay ngunit papakaunti. Ngunit parang bahay ng bubuyog iyan, gambalain mo, susugin mo, sunugin mo, lalabas ang mga bubuyog at kukuyugin nito ang gumambala sa kanila. Sa loob at labas ng Palasyo, tama lamang na manaig ang sentimyento at agenda na para sa kilusan ng mga manggagawa. Araw nila ito.

May mga nagsasabi, hindi naman pang-manggagawa ang agenda ng mga radikal na grupo. Politika na naman iyan. Politika naman lagi ang lahat. Pati ang pagsulong ng Collective Bargaining Agreement ay may halong politika sa planta. Ang pagpili ng unyon ay dinadaan din sa halalan na siyang haligi ng kahit anong uri ng politika. Ang ingay na nililikha ng mga radikal ang nagtutulak naman sa nasa poder na sila ay isantabi at huwag isali sa mahinahon na pakikipag-usap sa higit na konserbatibong labor groups. Mahalagang pag-usapan ang mga benepisyo para sa mga manggagawa. Pero ang mga moderate labor groups ay dapat hindi mangimi na magtanong tungkol sa kinabukasan ng bansa at sa panggigipit ng karapatang pantao.

Ang Labor Day ay isang araw lamang sa kalendaryo ng sinoman. Lilipas din ito. Kahit gaanong katagal magmartsa, kahit gaano kalakas ang sigaw, kahit gaano kadami ang tao. Lilipas din ito tulad ng paglipas ng oras ng kahapon. Pero ang mga alaala — anumang alaala ng karahasan — anumang bilang ng masasaktan o mamamatay — ito ay hindi lilipas sa alaala ng lipunan, o makakatakas sa pagsuri ng mundo, sa pag-ukit ng kasaysayan.

Galangin natin ang hanay ng mga manggagawa, anuman ang bandila na kanilang dala. Sila ay Pilipino. Sila ay kasapi sa kapatiran ng lahat ng mga manggagawa sa mundo. Sila ay simbolo ng kahirapang kailangang sama-sama nating sugpuin at labanan.

Sa panghuli — muli, isang mataimtim na paalala. Ang batas ay hindi sandata ng mga may titulo at kapangyarihan upang manatili sa ulap ng walang pananagutan. Ang batas ay higit na kailangan ng mga walang masandalan, mga walang pangalang lumalabas sa dyaryo, mga mukhang kakambal ay gutom at hirap, mga taong dikit sa lupa dahil ang mga pangarap nila ay hindi makalipad ng kasing tayog at layo ng mga pangarap ng iilan.

Dakila ang Pilipinong manggagawa. Ipagbunyi natin sila. Galangin natin at pakinggan ang kanilang karaingan. Lilipas din ang lahat — ang araw, buwan, at taon na ito. Pero ang pagkatao ng sinoman ay araw-araw hinuhusgahan sa langit, may posisyon man o wala, mayaman man o mahirap, maka-administrasyon man o hindi. Ang karapatan nating magkaroon ng sariling paninindigan, ang karapatan nating maging malaya sa puso at kaisipan, ito ay hindi dapat ipagkait, sa araw na ito, Mayo Uno, ang Araw ng mga Manggagawa at sa bawat araw na darating.

Author: Susan Ople

Susan "Toots" Ople is the President of the Blas F. Ople Policy and Training Institute. She's an OFW and labor advocate based in the Philippines.

Share This Post On
  • http://www.bangketarepublique.com gari

    ka susan,

    isang maalab at mapagpunyaging
    araw ng paggawa sa iyo at sa ating
    lahat…namana mo yata talaga ang ponema
    ng dakilang ka blas sa iyong mga tinuran.

    sana nga, matutong gumalang ang estado-poder
    sa hanay ng manggagawa at kilalanin ang kanilang
    ambag sa pag-unlad ng lipunan. nakakalungkot na
    retorika na lamang ang siyang ‘regalo’ na kayang
    ibigay ng estado para sa kanila at higit sa lahat
    para na lamang binubugaw nito ang kanyang manggagawa
    sa kaninumang maaaring mangako sa kanya ng kaunlaran.

    kawawa pero siguradong magbabalikwas sa tamang panahon.

    gari