Sa tanggapan ni Kuya Jesse Robredo

Nauna ka na naman. Hanggan ba naman sa kamatayan ay nagmamadali ka?

Di pa uso ang katagang “daang matuwid”, itinuwid mo na ang daan ng Naga.

Wala pang maiinit na debate tungkol dyan sa Freedom of Information Act, matagal ng naka-post na sa website ng inyong lungsod ang kaperahan ng pamahalaang lokal.

Naka-ilang imbestigasyon na nga ang Senado tungkol sa jueteng, ibinuwis mo na ang iyong buhay at nagwagi ka laban dito kaya’t mahigit isang dekada na “jueteng-free” ang Naga City.

Di pa nga uso ang Twitter, ang dami mo ng followers dahil marunong kang makisama sa tao.

Ilang buhay ba ang ipinagkasya mo sa iyong sariling buhay? Padre de pamilya, uliran at romantikong asawa, action star ng Naga, Ramon Magsaysay Awardee, Kalihim at konsensya sa loob at labas ng administrasyong Aquino, sa edad na 54 anyos. Partido na nga ‘yung lagi ka lang naka-sandalyas eh.

Kuya Jesse, balikan ko lang ang circa 1998 nang namimili tayo ng kurso sa Kennedy School of Government sa Cambridge, Massachusetts. Akala ko nga mayabang ka kasi sikat na mayor ka nga. Maski nga sa Cambridge, nauna ka rin sa aming dumating. Mga kursong nagustuhan ko ay tungkol sa political communications, non-profits, at iba pa. Si Amina Rasul mahilig sa leadership at conflict resolution. Si Arlene Pamintuan, environment at energy ang pinuntirya. At si Corina Unson naman, management courses.

Pero ikaw, tanging ikaw ang sobrang masaya ka dahil naisama mo sa listahan mo ang kurso na Ethics. Lagi mo pang ibinibida sa akin na pinag-iisip ka ng malalim ng teacher mo. Kung kailan wala ka na, ikaw pa ang nagsisilbing titser ng lahat ng Pilipino tungkol sa ethics. Bagay kasi na textbook ang buhay mo.

Maski noong bumalik ang batch natin ng Maynila, nag-balik-Mayor ka, pagkatapos naging Cabinet Secretary pa, hindi ka naman nagbago. Kuya ka pa rin – dumami lang nga mga kapatid mo. Kapatid na pulis, bombero, taga-media, urban poor sa pangkalahatan ng bansa, pati nga mga OFWs na sawi ang mga pangarap, inampon mo rin. Pati nga Presidente ng Pilipinas, higit pa sa kapatid ang turing mo.

Ka-textmate mo ang madla – mula media hanggang mga bagong kakilala kung saang lupalop sa bansa. Puno lagi ang araw mo, ang daming kausap at ang daming inaayos. Alam ko naman na noon hanggang ngayon, ang nakakapagtanggal ng lahat ng pagod ay ang iyong pamilya at mga kaibigan sa Naga. True love mo forever and always ang Naga City. Kami sa Maynila, parang sidecar lang – nakikiangkas lang sa mga nadagdag na obligasyon sa buhay ni Jesse Robredo.

Naaalala mo pa ba noong may sosyalan sa Harvard at niyayaya ka namin nila Amina na sumayaw? Ano sabi mo sa amin? Bakit, taga-Naga ba kayo? Sabay hagikhikan ang lahat kasi nga totoo naman. Maski nga mga Amerikano nating mga kaklase hindi mo masyadong pinapansin. Basta’t ang mahalaga sa iyo ay ang makauwi ng maaga para makasalo sa pagkain si Leni at ang mga bata. Si Ate Leni naman ang number one sa puso mo. Siya at ang mga bata, walang kaagaw sa iyo.

Fast-forward to the month of June 2012. Tumawag ka sa akin, 9 pm ng gabi. Akala ko kung ano na nangyari. “Toots, ano ba ang puwede nating gawin para tulungan mga OFWs?” Nagulat ako sa tanong mo, Kuya. Kasi medyo di naman malapit sa sikmura ng DILG ang OFW sector. Sabi ko pa, “Kuya, bakit mo naman naisip ‘yan?” Naaawa ka kasi sa kanila, ‘yan ang sabi mo. Kasi nga naman, mayor ka pa lang ay batid mo na ang mga problema ng mga OFWs lalo na ‘yung naging biktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Ang bilis mo talagang kumilos. Nagmiting tayo, alas-otso ng umaga pagkatapos mamaya-maya, may technical working group na ang DILG at POEA. May Memorandum of Agreement na napirmahan noong Hulyo pero hindi ka nakadalo kasi kailangan mong basahin ang talumpati ni Pnoy sa Aklan.

Kinantiyawan kita. “Di ka naman nagpunta eh!” Mabilis ang iyong resbak: “Ayusin mo na lang na magpirmahan ulit kami ni Secretary Baldoz. Maski ako na ang pumunta sa kanila. Tapos gawin na lang natin kung ano kailangang gawin.” Ang gusto mo kasi ay pakilusin ang mga LGUs lalo na ang mga barangay laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Ang miting ninyo ni Secretary Linda Baldoz ng DoLE ay inaayos ko na sana. Last week lang yata yon, nagpaalam pa ako kay Secretary Baldoz para sa agenda na gusto natin. Bilin sa akin ni Secretary Baldoz, itanong mo na lang kay Sec. Jesse kung kailan siya puwede.

Pero nauna ka na naman. Ayos lang, Kuya. Siguro mas kailangan ng langit, sanhi na rin ng kaguluhan sa mundo, ang isang walking moral compass na katulad mo. Hindi ka naman namin kayang ipagkait dahil ikaw mismo ay hindi makasarili.

Mahirap lang isipin na hindi ko na ikaw mapapadalhan ng text pagnapapanood kita sa TV o kaya kung may biktima na kailangan kong patulungan. Noong habagat, ilang buhay ang iyong natulungan dahil sa walang patid na habilin at pakiusap gamit ang text? Wala ka talagang sinasayang na oras. Bawat minuto ay may saysay sa iyo.

Alam ko kung gaano kahirap ang maiwanan sina Ate Leni, ni Aika, Trisha at Jill. Pero kung makita mo sila Kuya, at malamang nga ay napapanood mo sila, sobrang aapaw ang puso mo sa pagmamahal. At dahil mahal ka ng bansa, tinitiyak ko na sila ay nasa dasal at puso ng lahat.

Salamat, Kuya. Iniwan mo kaming uhaw na maging isang katulad mo. Ikaw na nga ang naging pamantayan ng kurso na gustong-gusto mo. Ganito ang formula sa ngayon: Ethics = Jesse Robredo.

Sayang lang nga at kailangan ka pang sumisid ng malalim para matauhan ang lahat.

Bantayan mo na lang kami mula sa Itaas. Mahirap ang homework na iyong iniwan.

Paalam, Kuya Jesse. I love you.