SONA, PNoy Style: The “Wang Wang” Speech

Isang pagbati kay Pangulong Aquino sa kanyang makasaysayang talumpati tungkol sa Wang Wang sa gobyerno.

Katulad ng dati, tiyak na maraming mga diplomats ang napakamot ng ulo, dahil sa paulit-ulit na pagbanggit ng “wang wang” – 20 beses ayon sa isang komentarista sa radyo. What’s that, mate? Is that even a word, that “wang wang”? Sabay kamot ulit sa ulo.

Malinaw na si PNoy ang audience palagi ay ang mga Pinoy, kasi nga tayo ang boss niya.

Straight-shooter si PNoy. Kitam ito sa kanyang mabilis na delivery. Ramdam ito sa bawat salita. Mas gusto ko ang SONA 2 sa SONA 1 dahil pinapakitang komportable na si PNoy sa kanyang kinalalagyan, mas kilala na niya ang sarili bilang taga-pamuno ng bansa. Kung baga, ‘yung romansa ng pagiging isang Aquino ay pumapangalawa na lamang sa personal na katauhan ni Noynoy bilang Pangulo ng bansa. Congratulations sa writing team ni Presidente kasi tinig ng boss nila ang lumabas kahapon. Walang labis, walang kulang.

Sa sustansya naman. Kulang sa detalye tungkol sa mga paghamon sa darating na buwan at taon. Bitin din ang paglarawan sa planong pang-ekonomiya. Mahiwaga rin ang walang pagbanggit man lang sa mga problema ng OFWs sa kabila ng mga patuloy na pagsubok na kinakaharap ng sektor.

Pero hindi naman kasi romantiko si PNoy. Wala talagang lambing sa katawan. Ayos na din naman basta’t ang kakulangan sa salita ay pupunuan sa gawa. Iyan ang kailangan nating manmanan. Reporma sa overseas employment, pagpasa sa Kasambahay bill na kaniya naman binanggit, at ang patuloy na atensyon sa mga dapat gawin para sumigla ang ekonomiya.

In the end, the SONA is just a speech, like all others. This one worked because the message was clear, the writing was concise and cohesive, and the delivery was from the heart.

The Wang Wang speech was all about affirming core values. To the President, such affirmation comes before everything else because it underpins the straight and narrow road to good governance.

Ang talumpati ni PNoy ay hindi masyado tungkol sa kinabukasan kung hindi tungkol sa kasalukuyan. Reincarnation siya ng Good VS Evil. Good ang gumawa ng mabuti at ang magpasalamat sa mga gumagawa ng mabuti. Bad yung nais pa rin kumiling sa mga Wang Wang ng nakalipas, kung saan namamayagpag mga padron, politiko, at pilosopo.

Sayang lang nga at ni hindi nabanggit sa mga dapat pasalamatan sa bandang huli ang ating mga OFWs. Bagkus ay nabanggit pang dapat magpasalamat sa nars na tinalikuran ang pagkakataong kumita ng mas malaking suweldo sa abroad. Pareho naman silang bayani kung tutuusin dahil yung mas mataas na suweldo na iyon ay siyang nagpapaaral sa mga kapatid, at nagpapagamot sa mga magulang.

Kulang nga sa romansa. Di bale. Basta’t hitik naman sa resulta. Diyan tayo kailangan ni PNoy. May pagkakataon na ipipilit niya at ang mga takot magsabi sa kanya na sa mundong ito, ang itim ay itim, ang puti ay puti. Bilang kanyang boss, responsibilidad din natin ituro ang iba pang mga kulay sa mundo. Hindi anak-mahirap si PNoy. Marami siyang napagdaanan bilang anak ng mga bayani. Pero iba ang buhay nila sa buhay ng ordinaryong trabahador.

May “wang wang” din na nagmumula sa mga mapagharing uri – ‘yung ang akala ay alam na nila ang lahat dahil tuwing magsasalita ay kayang yanigin ang kapaligiran. Maski hindi naman lubos na nauunawaan ang lahat. Hindi nila kailangan ang “wang wang” para kumita dahil mayayaman na sila. Pero kailangan nila ng “wang wang” para hindi masapawan, para hindi makaligtaan. Hindi halata ang mga ito dahil yung ingay nila ay pabulong lamang. Ang “wang wang” ng katangahan bunga ng sobrang kayabangan – “hubris” kung tawagin sa Inglis, delikado din ito kung mananaig sa boardroom ng mga taong malapit sa Palasyo.

Kaya’t mahalaga din ang romansa, maski papaano – sa pamumuno ng bansa at sa timbre ng mga talumpati. Romansa para ma-in love tayo sa isang pangarap at magising sa katotohanan na lahat ng pagsubok ay kakayanin basta’t wala lang iwanan at wala ng atrasan.

Ay salamat nga pala, PNoy, dahil halatang pinag-isipan mo ng husto ang iyong talumpati para sa bayan.

Author: Susan Ople

Susan "Toots" Ople is the President of the Blas F. Ople Policy and Training Institute. She's an OFW and labor advocate based in the Philippines.

Share This Post On
  • Anna Ituriaga

    Hi!I’m Anna Ituriaga and im taking up Foreign service , a sophomore student at PWU.You really are a smart and a genuine person.I really admire you.:)) i wasn’t able to watch the SONA of President PNoy because i had my spanish class during that time(4pm-8pm). But i had read the columns published after that day.

    I hope i can see you in person:) God Bless!